Kwentong Fidel at Stella

Written by Stanley Semilla | Published at 23 September 2017

Katatapos ng ‘cremation’ ng iyong tita. Napag-usapan nating tayo’y magkikita sa araw na iyon. Nagleave ka para sa araw na ito. At ang agaran kong naisip, makipagkita kaya ako kay Marielle? Ninais nating mapanood ang 100 Tula Para Kay Stella. Marahil dahil sa ‘hype’ ito noong panahong iyon. O malamang, panibago sa ating pandinig ang kwento ng isa-a-a-a-ang lalaking nauutal.

Planado ang ating pagkikita. Susunduin kita mula St. Peter, at tayo’y pupunta sa isang mall upang manood. Hindi inaasahan, ikaw ay kailangang pumunta sa mananahi para kunin ang iyong isusuot sa pagdiriwang ng Royan Carribean. Aaminin kong nalungkot ako noon dahil bumaba ang posibilidad na magkita at matuloy ang plano. Akala ko’y mabilis lang ang iyong gagawin, ngunit inabot ito sa di inaasahang oras.

Dumating yung oras na ako’y nawawalan ng pag-asa. Naisip ko din na baka ayaw mo rin talagang makipagkita sa akin. Maraming negatibong bagay ang umikot sa aking isipan. Kaya laking gulat ko, habang ikaw ay pabalik sa tirahan, pumayag ka. Sabi mo, mukhang aabot ka para sa LFS ng palabas. 10:15pm. Ganyang oras ang bakante para sa atin. Sinubukan kong kumuha ng tickets online, ngunit hindi ito gumagana. Minabuti ko kaagad na pumunta ng SM Megamall para makabili ng tickets. Tickets para sa dalawang tao — lamang.

May tumatawag sa telepono ko. Sa wakas, ako na mismo ang kanyang tinatawagan. Niyaya ko siyang bumili ng makakain o maiinom. Ngunit, diet ata si Atey. Ngunit, wala ata sa kanyang pag-iisip ang kumain ng pang-hapunan. Napabili lang ako ng lemonade. Bonus pa, bago tayo nanood ay premier night ng isang Filipino movie.

Pumasok tayo sa movie house. Pinili mo ang mga upuang nasa may harapan. Doon ko na ibinigay ang mga pasalubong mula Indotsina. Natuwa akong natuwa ka sa mga pasalubong. Mahilig ako magbigay ng regalo, o ng pasalubong. At natuwa talaga ako na umabot pa tayo sa pagbibigay pangalan kay Serif. Masaya akong kasama ka sa gabing iyon. At nawa’y magtuloy-tuloy pa.

Share this post Twitter or Facebook