Ligayang Tunay

Written by Stanley Semilla | Published at 22 September 2017

Sulat para kay Marielle Lynn Bernardo

Maligaya akong nakilala ka, sa paraang hindi inaakala. Maligaya akong nakita ka, sa gabing ako ay natulala. Maligaya akong nakasama ka, sa mga araw na ako’y nag-iisa. Maligaya akong nakadalamhati ka, sa oras na may kadugong nawala. Maligaya ako. Oo, maligaya ako.

Sa pagbabalik mula Indotsina, sabik na sabik akong makita ka. Ngunit isang balita ang sumalubong sa atin, ang iyong tita ay pumanaw na. Hindi ko alam ang sasabihin. Hindi ko rin alam ang gagawin, kaya naisip kong bumisita para maipakita ang aking pakikiramay.

Pinilit kong tayo’y magkita, ilang araw mula sa aking pagdating. Ang planong tayo’y makapagsubok ng ‘archery’ at makapaglibot ay hindi muna matutuloy. Hindi muna dahil ikaw ay kailangan sa lamay ng iyong kamag-anak. Naiintindihan ko iyon, at ako’y handa namang maghintay para makita kang muli. Nagkaroon ng pagkakataon na ako’y makiramay, at hindi ko ito pinalampas. Alam kong mahirap ang mawalan ng kamag-anak, lalo na sa sakit na kanser. Malungkot na makita kang malungkot, pero kailangan kong matutunan ang iyong estado sa mga ganitong pangyayari.

Dumating ang araw na ako’y bibisita, at higit sa lahat tayo’y magkikita. Hindi man sa okasyong maligaya ang mga tao, pero kahit paano, basta makita kita ay magiging okay na ‘ko. Natuwa akong pinakilala mo ako kay Alec. Tuwang-tuwa akong nakasalamuha ko ang iyong pamilya’t kamag-anak. Kahit paano ay meron na silang ideya sa pagkatao ko.

Unang beses kong sumama sa misang Katoliko para sa namatayan. Unang beses kong narinig kang nagbasa para sa misa. Unang beses kong nakitang nakasuot ka ng ‘dress’, maliban sa uniporme. Unang beses kong pumunta sa Fisher Mall. Unang beses kong nakita kang gumamit ng Vans. Maraming unang beses na mga pangyayari, ngunit maligaya akong naganap ang mga bagay na iyon.

Natapos ang misa, at ang pagkain ay inihanda. Ang hirap tumanggi, lalo na sa mga taong naghanda. Pagkatapos ang mahabang panahon, ako ulit ay kumain ng sopas. (Di biro, masarap yung sopas) Natuwa akong tumabi ka sa akin habang ako’y nasa lamay. Hindi ko inakalang gagawin mo iyon. Masayang kausap si Alec, madami akong natutunan tungkol sa pagkatao mo habang kausap siya. Sa gabing iyon, ang pagtingin ko sa’yo ay nakumpirma. Totoong ikaw ay mabuti, masipag at mapagmahal na tao.

Umuwi akong maligaya. Umuwi akong taas ngiti. Dahil sa kabila ng trahedya, ang Diyos ay magbibigay ng biyaya. Kaya’t salamat sa ating muling pagkikita, dahil sa pagkakataong iyon nalaman kong ikaw ay aking patuloy na makikilala.

Share this post Twitter or Facebook